LABINDALAWANG SUSI PARA SA KAUNLARAN NG LIPUNAN

Merellie Bautista
8 min readJun 10, 2021

--

Ano nga ba ang pwedeng gawin ng isang mag-aaral? May maiaambag ba kami?

Hindi naman siguro mag-iiwan ang ating pambansang bayani ng katagang “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” kung hindi ito totoo? Imbes na tanggalin sa larawan ang kabataan sa mga usapin sa lipunan, tulungan natin sila kung paano nga ba maging isang mabuting bahagi ng lipunan. Bawat boses sa loob ng pamayanan ay kailangan upang paunlarin ang ating lipunan. Gabayan natin sila at bigyan ng mga maaari nilang gawin upang maisakatuparan ang mas maayos na kapaligiran.

Bilang isang mag-aaral, napaisip ako kung ano-ano nga ba ang mga gawain na maaari naming gawin bilang mag-aaral sa isang lipunan. Anong mga gawain nga ba ang susi?

1. Ang mga mag-aaral ay dapat na may kamalayan sa kung ano ang nangyayari sa lipunan.
— Isang responsibilidad ng isang mamamayan na may alam ito sa nangyayari sa kanyang paligid. Kaya tayo nag-aaral ay para rin mabuksan ang ating mga mata sa kung ano nga ba ang buhay at kung paano natin kakayanin na tumayo sa ating mga sariling paa. Hindi pwedeng babalewalain lang natin ang mga problema, kailangan din natin kumilos at makisali. Ang boses ng kabataan ay importante. Ika nga ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Dapat din tayong makisalo at makilahok sa mga nagaganap sa lipunan, magkaroon tayo ng pake sa mga ganap sa bayan. Gamitin ang mata upang suriin ang mga nangyayari, ang tenga upang pakinggan ang bawat opinyon at saloobin, ang bunganga upang magbigay ng sariling opinyon sa mga isyu at pangyayari.

2. Kalikasan ay pag-ingatan.
— Ang pag-iingat sa kalikasan ay dapat nang likas sa atin. Tayo lang din naman ang nakikinabang dito, tayo ang nangangailangan sa kalikasan. Makakaya ng kalikasan na wala tayo pero hindi natin kaya na wala ang ating kalikasan. Maraming suliranin na kalakip ang pagpapabaya sa kalikasan, maraming sakuna ang pwedeng dumating kung kaya’t simulan natin itong ingatan at pahalagahan. Habang may panahon pa at kahit habang nag-aaral palang tayo, ang mga pagsisikap maliit man o malaki ay magbubunga ng isang maayos na lipunan. Ang pag-iingat sa kalikasan ay isang tanda ng pagiging responsable na kailangan upang mapaunlad at mapanatili ang kaayusan sa isang lipunan.

3. Alamin ang batas.
— Sa murang edad, natutunan na natin kung ano ang tama at mali, habang tumatanda rin tayo may mga binibigay sa ating mga utos o “rules” galing sa ating mga magulang o mga guro. Ngayon na unti-unti na tayong namumulat sa buhay, dapat din natin isipin kung paano nga ba maging mabuting mamamayan. Habang tayo ay nag-aaral, may mga nakakaharap tayong mga iba’t ibang batas. Bakit nga ba natin kailangan alamin ang mga ito? Katulad ng tayo’y mga bata pa, kailangan natin sundin ang mga utos upang hindi parusahan. Ganoon din sa batas, dapat alam natin ang mga ito upang makaiwas sa paggawa ng mali at kasalanan sa lipunan. Malaking tulong din ang pagiging maalam sa batas sapagkat alam mo ang karapatan mo, alam mo kung nakagawa ka nga ba ng paglabag at maaari kang umapila kung alam mong may mali sa paghuli sa iyo.

4. Bawat indibidwal ay respetuhin.
Mag-aaral man o hindi, nararapat na alam na natin na ang respeto ay kinakailangan sa lahat ng oras. Bilang mag-aaral, nakakasalamuha tayo ng iba’t ibang tao. Marami tayong pagkakaiba at natural lang ‘yon sa isang lipunan, ang hindi natural ay ang kawalang galang sa ibang tao. Magkakaiba man ang ating mga relihiyon, kasarian, paniniwala, edad — lahat tayo ay pare-parehong nilalang na may damdamin at isip. Ang lipunan na walang respeto sa mga tao ay isang lipunan na magulo at puno ng bangayan. Paano uunlad kung walang pagkakaisa?

5. Maging matapat.
— Sa pagsisinungaling, niloloko mo rin ang iyong sarili. Kung mabubuhay sa kasinungalingan at panloloko ang mga tao, ang lipunan ay paniguradong bagsak. Maraming pagkakataon na nahaharap tayo sa sitwasyon na kung hindi tayo magsisinungaling, tayo ay pwedeng bumagsak o mapagalitan bilang mag-aaral. Isang halimbawa ay ang pandaraya sa isang pagsusulit, niloloko na natin ang ibang tao maging ang ating sarili. Makakapasa ka nga ngunit hindi mo naman talaga alam at naintindihan ang inyong aralin. Kung masasanay tayo sa panloloko at pandaraya, maraming pwedeng maaapektuhan nito. Ang katotohanan ay magiging mailap na sa atin.

6. Magkaroon ng sariling opinyon sa mga bagay-bagay.
— Kahit mag-aaral ka pa lang, ang opinyon mo ay mahalaga. Tandaan na sa atin ipapamana ang lipunan na meron tayo, ang boses ng kabataan ay importante sa mga usapin na ukol sa lipunan. Matuto na magkaroon ng kinatatayuan sa iba’t ibang isyu na meron tayo. Isa tayong demokratikong bansa, may kalayaan tayong magbahagi ng opinyon. Siguraduhin lang na ang opinyo mo ay kaaya-aya at hindi isang opinyon upang makapanakit sa damdamin ng iba. Gamitin ito sa tama at ikabubuti ng lipunan.

7. Pagbutihan at isapuso ang pag-aaral.
— Ang kinabukasan ay nakasalalay sa ating mga palad. Ika nga nila, ang edukasyon ang susi sa tagumpay. Gamit ang edukasyon, magagawa nating paunlarin ang ating lipunan. Ang pag-aaral ay dapat din nating isapuso, sa paraang ito magagawa natin na mas maintindihan at maunawaan ang ating inaaral. Hindi lang ang kasalukuyan ang dapat nating isipin, maging ang kinabukasan. Sa dami ng nangyayari sa mundo ngayon, likas lang na pwede tayong panghinaan ng loob at mawalan ng gana ngunit hindi ito dahilan upang sumuko ng tuluyan. Isipin kung bakit nga ba tayo nasa paaralan, hindi lang naman natin ito ginagawa para sa lipunan, maging para sa ating mga sarili.

8. Iwasan ang toksisidad.
— Mahirap mamuhay sa isang pamayanan o lipunan na puro toksisidad at negatibo ang nangunguna. Hindi magkakaunawaan ang mga tao dahil dito. Umiwas at huwag na magpalason, ito ang nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga bangayan. Ilapit mo ang iyong sarili sa mga positibong bagay sa iyong paligid. Ang lipunan ay ‘di makakamtam ang inaasam nitong kapayapaan kung mapupuno lang ng negatibong bagay ang paligid nito, mas maayos na makakapamuhay ang mga tao kung ang paligid nito ay positibo.

9. Mag-ingat at wag maniwala agad sa lahat ng nakikita sa social media.
— Hindi lahat ng ating nakikita sa social media ay totoo. Ang mga mag-aaral sa panahon ngayon ay ang pinakababad at aktibo sa “social media”. Kung kaya’t madali lang na makakita ng iba’t ibang “post” o balita na hindi siguradong totoo. Maraming pwedeng mabiktima ng “fake news” lalo na sa mga panahon na ito na ang “social media” ay ang nangunguna sa pakikipagkomunikasyon sa ibang tao. Isang halimbawa nito ay ang mga “edited” na kunwaring pinost ng inyong mayor o gobernador na wala raw pasok ngunit hindi naman pala totoo. Ang iba ay napapaniwala agad at dahil hindi muna sinusuri ng maigi, talagang maloloko ka ng mga ito. Tandaan na masyadong malawak ang social media, laging mag-iingat at huwag hayaan na makagat sa mga panloloko ng ibang mga tao.

10. Huwag hayaan na magpa-api sa ibang tao. Isumbong ito agad sa kaukulan.
— Kung nakakaranas ka ng mga pang-aabuso o pangbubully, huwag na magdalawang-isip na isumbong ito sa mga opisyales at kaukulan. Hindi dapat ito hayaan lang, huwag nang paabutin na pati ang ibang mga tao ay makaranas nito. Kung may makita ka naman na taong binubully, tulungan agad ito at samahan na makapagsumbong. Malaki ang epekto ng pang-aabuso sa isang tao, apektado ang pisikal, emosyonal, sikolohikal na kalagayan ng tao. Hindi matatawag na maunlad at mapayapa ang isang lipunan na napupuno ng pang-aabuso. May karapatan ka na protektahan ang iyong sarili, gamitin ito.

11. Maging maingat sa pananalita.
— Ang isang simpleng salita ay maaaring malaki ang epekto sa isang tao. Laging isipin ang mararamdaman ng taong iyong kausap. Isipin ang mga salitang iyong gagamitin at ang tono ng iyong pananalita sapagkat pwedeng maging ugat ito ng hindi pagkakaintindihan na nauuwi sa hindi matapos na bangayan.

12. Habang nasa maagang edad pa, subukan ng tumulong sa ibang tao. Maliit na tulong man o hindi.
— Isang magandang bagay ang pagsanay sa sarili na tumulong sa ibang tao. Magiging parte na ito sayo at maganda itong bagay. Kahit na maliit na tulong ay mahalaga. Ika nga ni Miss Earth 2017 Karen Ibasco “Our micro efforts will have a macro effect to help save our home, our planet.” Ang paunti-unting tulong at pagsisikap ay magbibigay sa atin ng magandang bunga. Ang pagtutulungan ay mahalaga para sa isang komunidad o lipunan sapagkat ito ay atin. Responsibilidad natin na paunlarin ito at magagawa natin ito sa tulong ng bawat isa. Mag-aaral pa man o hindi, ang pagtutulungan at pagkakaisa ay nararapat na maitanim sa ating puso.

At ito ang labindalawang gabay para matulungan ang ating lipunan, iisa lang naman ang mithiin natin. Ang magkaroon ng lipunan na may pagkakapantay-pantay at mapayapa. Laging tandaan na tumayo para sa tama at sa iyong karapatan. Ang lipunan ay tayo, tayo ang mag-ingat at magtulungan upang palaguin ito.

--

--

No responses yet